Umaasa si House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na isusumite na ng defense panel ang kumpletong listahan ng mga testigo para sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Disyembre.
Ayon kay Ridon, dalawa pa lamang ang kinilalang testigo ng depensa para sa pagdinig sa Disyembre uno, gayong una nang sinabi ng kampo na aabot sa walo hanggang sampu ang kanilang ihaharap.
“Wala pa. Actually, ang in-expect po namin, four to six witnesses na ho kasi originally ang sinasabi nila, meron silang eight to 10 witnesses, eh meron na silang four. So parang supposedly four to six na lang, but we will give them the chance to have that full witness list. Pero wala pa ho,” ani Ridon
Kabilang sa mga pinangalanan sina Bureau of Customs Deputy Commissioner Agaton Teodoro Uvero at Dr. Lourdes Tingson-Lebosada, isang business associate ng asawa ng bise presidente na si Atty. Manases Carpio.
Inaasahang tatalakayin ni Uvero ang mga rekord ng exports ng Cale88 Foods Corporation, habang si Tingson-Lebosada naman ang magbibigay-linaw sa operasyon at pinansyal na transaksiyon ng kumpanya.
Umaasa si Ridon na makapaghaharap pa ang depensa ng mga bagong testigo na makasasagot sa mga katanungan ng mga senator-judge hinggil sa Cale88.
“Hopefully meron na ho silang mailatag na mga bagong testigo, particularly yung mga hinahanap na detalye ng ating mga senator-judges patungkol doon sa Cale88. Siyempre ayaw na rin ho natin yung mga testigo na parang lalo lang din nadidiin yung pangalawang pangulo,” wika pa niya
Nakalaan ang Disyembre uno hanggang kuwatro para sa pagpapatuloy ng testimonya ng depensa, na kailangang magsumite ng pangalan ng mga susunod na testigo limang araw bago ang pagdinig. | ulat ni Kathleen Forbes