Office of the Ombudsman
Nagbabala ang Office of the Ombudsman sa mga opisyal at kawani ng gobyerno laban sa hindi awtorisadong pangangalap ng donasyon para sa mga Christmas party.
Kasunod ito ng pagsuspinde ng Ombudsman kay Bayani Galzote Olegario, barangay secretary ng Barangay Sta. Cruz sa Makati City.
Batay sa 16 na pahinang desisyon ng Ombudsman, napatunayan na administratively liable para sa conduct prejudicial to the best interest of the service si Olegario.
Nakita ng Ombudsman na noong December 2025, nag-isyu ng mga sulat si Olegario na humihingi ng cash o in-kind na donasyon sa mga pribadong indibidwal para sa Christmas party ng mga opisyal at kawani ng barangay.
Nakalagay sa mga sulat ang opisyal na letterhead ng barangay council at ang kanyang pirma at posisyon, kaya lumabas itong opisyal na hakbang ng barangay.
Iginiit ng Ombudsman na hindi dapat gamitin ang kapangyarihan at resources ng isang tanggapan sa pangangalap ng donasyon, para sa layuning hindi bahagi ng tungkulin ng gobyerno.
Anim na buwan at isang araw na suspensyon nang walang sweldo ang ipinataw kay Olegario. Kung wala na siya sa serbisyo, gagawin itong multa na katumbas ng kanyang sweldo sa parehong panahon.