Maigting ang naging panawagan ng National LPG Alliance of the Philippines (NLAP) President Jose “Jojo” Cruz sa Department of Energy (DOE) na huwag ipilit ang pagpapatupad ng panuntunan sa LPG Cylinder Swapping Centers, kung ang magiging resulta nito ay pagdurusa ng consumers.
Sa isinagawang public consultation ng DOE-OIMB, sinabi ni Cruz kay DOE Director Rino Abad, na hindi dapat pairalin ang isang polisiya para lamang masunod ang batas kung maaapektuhan naman ang kapakanan ng taumbayan.
Mariin ding tinutulan ng NLAP at iba pang independent LPG dealers at stakeholders ang panukalang ang marketers ang mamahala sa swapping centers.
Anila, mas nararapat na gobyerno ang mangasiwa rito upang maiwasan ang conflict of interest at maprotektahan ang mga mamimili.
Hiniling din ni Cruz sa Kongreso, na amyendahan ang umiiral na batas upang mabigyan ng sapat na proteksyon ang mga independent LPG player at maiwasan ang monopolyo sa industriya.
Nagbabala rin ang NLAP na handa silang magsampa ng kaso sa Korte Suprema sakaling payagan ng DOE ang mga marketer na magpatakbo ng LPG swapping centers.
Samantala, sinabi rin ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) President Boy Evangelista na dapat nang repasuhin at amyendahan ng Kongreso ang naturang batas kasunod ng pagtutol na inihayag ng iba’t ibang stakeholders sa public consultation. | via Eph Gaytos