Iminungkahi ng Public Attorney’s Office o PAO na iayon sa umiiral na minimum wage ang kompensasyong ibinibigay ng gobyerno sa mga biktima ng maling pagkakakulong, ilegal na detensyon at mararahas na krimen.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice, sinabi ni PAO lawyer Noliver Barrido na kulang ang panukalang limang libo hanggang sampung libong pisong kompensasyon kada buwan dahil mas mababa ito sa minimum wage na maaaring kitain ng isang taong maling nakulong.
Sa kasalukuyan, nasa isang libong piso kada buwan ang kabayaran sa mga biktima ng unjust imprisonment, hanggang sa maximum na 60 thousand pesos.
Paliwanag ni Barrido, katumbas lamang ng 167 pesos kada araw ang limang libong pisong buwanang kompensasyon, habang 333 pesos at 33 sentimos naman kung sampung libong piso.
Malayo aniya ito sa 755 pesos na minimum daily wage sa National Capital Region.
Bukod dito, iginiit ng PAO na dapat bayaran ang bawat araw ng pagkakakulong at walang itakdang maximum ceiling sa kompensasyon upang matiyak na sapat ang kabayaran sa mga napagbintangan at nakulong nang walang sala.