Binigyang-diin ng Department of Justice (DOJ) na marami pang kailangang gawin upang matiyak ang proteksyon sa karapatang-pantao at pantay na access sa hustisya para sa lahat ng Pilipino.
Sa pagbubukas ng Ikalawang Justice and Human Rights Summit, sinabi ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na marami pa ring Pilipino ang hindi makapagsampa ng reklamo o makakuha ng hustisya dahil sa kanilang kalagayan, habang nananatiling hindi naririnig ang kanilang mga hinaing.
Sa tatlong araw na summit, bibigyang-pansin ang karapatan ng Indigenous Peoples, kababaihan at LGBTQIA+ community, gayundin ang pagpapalakas ng pagtugon ng mga institusyon sa sexual at gender-based violence at pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng panggagahasa.
Tatalakayin din ang mga isyung kinakaharap ng mga bata, senior citizens, persons with disabilities at Persons Deprived of Liberty o PDL, partikular ang diskriminasyon, karahasan at mga hadlang sa pagkuha ng hustisya.
Binigyang-diin ni Vasquez na hindi dapat maging hadlang ang edad o kapansanan upang mapagkaitan ang sinuman ng dignidad at karapatang makamit ang hustisya.
📸 PNA