Sinaksihan ni Department of Energy Secretary Sharon Garin ang paglagda sa kasunduan sa pagitan ng National Power Corporation o NAPOCOR at Sulu Electric Cooperative o SULECO upang matiyak ang tuloy-tuloy at matatag na serbisyo ng kuryente sa Sulu.
Sa ilalim ng Memorandum of Agreement, mababayaran ng SULECO ang mga natitira nitong pagkakautang sa kuryente sa loob ng 24 na taon sa pamamagitan ng graduated payment scheme na may zero interest.
Dahil dito, gagaan ang pasanin ng kooperatiba at mapapanatili ang suplay ng kuryente para sa mahigit 42,000 kabahayan sa anim na munisipalidad at 204 na barangay sa lalawigan.
Pinuri rin ni Secretary Garin ang pagbuti ng operasyon ng SULECO, partikular ang regular na pagbabayad ng buwanang bill, mas maayos na koleksyon, at pagbaba ng system losses.
Ipinapakita naman aniya ng hakbang na ito ang kahalagahan ng reporma at pagtutulungan upang mapanatiling maaasahan ang kuryente sa mga off-grid at island communities.