Inaasahang mas maraming pribadong eroplano at business jet na ang kayang serbisyuhan ngayon sa Subic Bay Freeport matapos ang pormal na pagbubukas ng bagong Hangar B ng Aviation Concepts Technical Services, Incorporated o ACTSI sa Subic Bay International Airport.
Kamakailan, pinangunahan ni ACTSI President Raul Trinidad Jr. at SBMA Chairman Eduardo Jose Aliño ang opening ceremony ng bagong Hangar B.
Ang pasilidad ay may lawak na pitong libong square meter at kayang maglaman ng hanggang sampung long-range business jet o labindalawang malalaking eroplano.
Ayon kay Trinidad, ang pagpapalawak na ito ay hindi lamang magpapalakas sa kanilang serbisyo sa pagkukumpuni ng mga eroplano, kundi lilikha rin ng mas maraming trabaho para sa mga manggagawang Pilipino.
Sinabi naman ni Chairman Aliño na napapanahon ang Hangar B upang makipagsabayan ang Subic sa mga kilalang aviation hub sa rehiyon gaya ng Singapore at Hong Kong, at makapagpasok ng dagdag na kita para sa paliparan.