Tumanggap ng tulong mula sa pamahalaan ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) na na-diagnose ng intimal sarcoma of pulmonary arteries, isang bihirang uri ng cancer na nakaapekto sa mga ugat na nagdadala ng dugo patungo sa baga.
Kasunod ito ng pagdalaw ni Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Leo Cacdac noong Nobyembre 23 sa naturang OFW sa isang ospital sa Israel.
Sa kanyang pagbisita, personal na nakadaupang-palad ni Cacdac ang mga magulang ng OFW at ipinahayag nito ang malasakit gayundin ang pakikiisa ng pamahalaan sa kanilang pinagdaraanan.
Taos-puso namang nagpasalamat ang OFW, mga magulang nito, at kapwa OFW sa pagdalaw at sa katiyakang ibinigay ng Kalihim na hindi sila pababayaan ng pamahalaan sa kabila ng mabigat na pagsubok na kanilang kinakaharap.
Bago ang pagbisita ng Kalihim, ilang ulit nang nagtungo sa ospital ang mga kinatawan ng Migrant Workers Office (MWO)-Israel upang personal na alamin ang kalagayan at mga pangangailangan ng OFW.
Tiniyak ng DMW na ibibigay sa OFW ang kinakailangang tulong salig sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangalagaan ang kapakanan ng mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa.