Suportado ng Board of Claims ang panukalang itaas ang kompensasyon para sa mga indibidwal na nakaranas ng maling pagkakakulong o wrongful imprisonment.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice, sinabi ng Board of Claims na isinusulong nitong itaas sa ₱10,000 kada buwan ang kompensasyon sa mga biktima, mula sa kasalukuyang ₱1,000.
Nais din nitong itaas sa ₱300,000 ang maximum compensation mula sa kasalukuyang ₱60,000.
Anim na panukala ang tinalakay ng komite, kabilang ang House Bill 2337 ni Batangas Rep. Gerville Luistro na naglalayong amyendahan ang Republic Act 7309 o ang batas na lumikha sa Board of Claims sa ilalim ng Department of Justice.
Sa panukala ni Luistro, itataas sa ₱5,000 kada buwan ang kompensasyon sa mga maling nakulong, ngunit hindi lalampas sa ₱300,000 ang kabuuang matatanggap.
Nais din ni Luistro na itaas sa ₱50,000 mula sa kasalukuyang ₱10,000 ang reimbursement para sa gastusin sa pagpapagamot, pagpapaospital, at nawalang kita ng mga biktima.
Saklaw din ng mga panukala ang kompensasyon para sa mga biktima ng mararahas na krimen gaya ng panggagahasa, homicide, murder, kidnapping, human trafficking at online sexual abuse.