Photo courtesy of Maritime Industry Authority (MARINA)
Unang tinutukan ni bagong Maritime Industry Authority (MARINA) Administrator at Undersecretary for Maritime Markus Lacanilao ang pagpapahusay ng serbisyo para sa mga Pilipinong marino sa pagsisimula ng kanyang panunungkulan.
Personal na ininspeksiyon ni Lacanilao ang MARINA Central Office upang alamin ang aktuwal na proseso ng mga transaksyon kabilang ang pagkuha ng mga dokumento, lisensya, at iba pang requirements ng seafarers.
Ayon kay Lacanilao, malinaw ang direktiba nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Transportation Secretary Vince Dizon na mas pagbutihin ang serbisyo para sa mga Pilipinong marino.
Layunin ng isinagawang inspeksiyon na matukoy kung aling mga proseso ang maaari pang mapabilis at mapahusay upang mas mapadali ang mga transaksyon ng mga seafarer sa ahensya.
Mahalaga ito para sa libo-libong Pilipinong marino na umaasa sa mabilis na pagproseso ng kanilang mga dokumento upang makapagtrabaho sa loob at labas ng bansa.
Matatandaang pormal na nanumpa si Lacanilao bilang bagong MARINA Administrator nitong November 25.
Bukod sa pagpapahusay ng serbisyo publiko, inaasahan ding tututukan ni Lacanilao ang pagpapalakas ng pamamahala sa maritime sector at pagsusulong ng mga programang susuporta sa mga Pilipinong marino at sa pag-unlad ng maritime industry ng bansa.