Iginiit ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Jay Tristan Tarriela na hindi propaganda ang pagpapatupad ng transparency initiative ng pamahalaan sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Tarriela, layunin nitong imulat ang mga Pilipino sa tunay na nangyayari sa karagatan ng bansa sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga larawan at video ng pangha-harass ng China sa mga mangingisdang Pilipino at barko ng pamahalaan.
Bago simulan ang naturang hakbang noong 2023, maraming insidente aniya ng pangha-harass ng China ang hindi nakararating sa kaalaman ng publiko.
Batay sa mga survey na binanggit ni Tarriela, 84% ng mga Pilipino ang sumusuporta sa mga hakbang ng pamahalaan na ipagtanggol ang karapatan ng bansa sa karagatan, habang 7 sa bawat 10 Pilipino ang nais na igiit ng gobyerno ang karapatan ng Pilipinas alinsunod sa international law at 2016 Arbitral Award.
Umabot na rin umano sa 27 bansa ang nagpahayag ng suporta sa Pilipinas mula noong huling bahagi ng 2022, habang 14 na pamahalaan ang muling kumilala sa arbitral ruling bilang pinal at legal na umiiral.
Nilinaw ni Tarriela, na hindi layunin ng transparency initiative na palitan ang diplomasya, legal na hakbang o pagpapatrolya ng mga awtoridad.
Sa halip, nagsisilbi itong karagdagang instrumento sa paglaban sa disinformation, pagdodokumento ng mga insidente, at pagpapalakas ng suporta ng publiko at international community.
Binigyang-diin din ni Tarriela, na hindi ang pagsisiwalat ng mga insidente ang lumilikha ng tensyon, kundi ang mismong agresibong aksyon ng China.
Aniya, ang pananahimik ng Pilipinas ay magbibigay lamang ng pagkakataon sa China na kontrolin ang impormasyon at bersyon ng mga pangyayari sa West Philippine Sea.