Sinimulan na ng Department of Finance (DOF) ang pagpapatupad ng isang bagong programa na layong makahikayat ng mas maraming pondo mula sa ibang bansa para labanan ang epekto ng climate change sa Pilipinas.
Katuwang ang Global Green Growth Institute, pormal nang inilunsad ng DOF ang Third Readiness and Preparatory Support Programme for the Philippines.
Pinondohan ito ng humigit-kumulang $6.78 million na grant mula sa Green Climate Fund.
Dahil isa itong grant, hindi na ito kailangang bayaran ng gobyerno.
Layunin ng programa na palakasin ang kakayahan ng mga ahensya ng pamahalaan, pagbutihin ang kanilang koordinasyon, at makabuo ng mga proyekto para makakuha ng dagdag na global climate funding.
Ayon kay Finance Secretary Frederick Go, ang pondong ito ay isang mahalagang puhunan para sa pangmatagalang kakayahan ng bansa na tugunan ang pagbabago ng klima.
Bilang National Designated Authority ng Pilipinas sa Green Climate Fund, pangungunahan ng DOF ang direksyon ng programa upang matiyak na nakaayon ito sa bagong lunsad na Climate Finance Strategy at sa mga pangunahing prayoridad ng bansa.
Inaasahang susuporta ito sa pamumuhunan ng mga kabuhayan ng mga Pilipino, palalakasin ang community resilience, at makakatulong para ma-secure ang mas sustainable at climate-resilient future ng sambayanan.