Ikinatuwa ni House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan ang plano ng Chemrez Technologies Inc. na magtayo ng bagong plantang biodiesel sa Batangas City.
Ayon kay Libanan, palalakasin ng pamumuhunang ito ang demand para sa mga produktong niyog, lilikha ng mga trabaho, at pakikinabangan ng milyun-milyong pamilyang Pilipino na umaasa sa industriya ng niyog.
Bukod dito, mababawasan din ang pagdepende sa mga inaangkat na fossil fuel.
Una nang nagkasundo ang Chemrez at Shell Pilipinas Corp. na pahintulutan ang Chemrez na magtayo at magpatakbo ng bagong pasilidad sa produksyon ng biodiesel sa loob ng Tabangao complex ng Shell sa Batangas City.
Nakatakdang simulan ang konstruksyon sa unang quarter ng 2027.
Ayon kay Libanan, napapanahon ang planong pasilidad habang sinisikap ng bansa na palawakin ang programa nito sa biodiesel at patatagin ang seguridad sa enerhiya.
Ayon sa House leader, panahon nang isulong ng Pilipinas na ipatupad ang Biofuels Act of 2007 o itaas ang antas ng biodiesel blended petroleum diesel.