Suportado ng FinTech Alliance PH ang bagong panukalang regulasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP na naglalayong harangin ang mga ilegal na online gambling transactions sa digital payment system ng bansa.
Ayon kay FinTech Alliance PH Chairman Angelito Villanueva, malaking tulong ang draft circular ng BSP sa Payment Initiation Services o PIS para masiguro na sumasailalim sa masusing pagsusuri ang mga merchant.
Paliwanag ni Villanueva, may ilang ilegal na online casino ang gumagamit ng pekeng pangalan ng negosyo—gaya ng mga sari-sari store—upang makapagproseso ng maliliit na taya, na umaabot lang sa limampung piso, tuwing madaling-araw.
Sa ilalim ng bagong panuntunan, mahigpit na ipagbabawal ang paggamit ng third-party payment services sa sugal, online gaming, at maging sa virtual asset services na madalas nagagamit sa pagtatago ng nakaw o ilegal na pera.
Bukod dito, oobligahin din ang mga PIS provider na magkaroon ng hindi bababa sa limang milyong pisong kapital upang masigurong mga lehitimong kumpanya lamang ang makapapasok sa sistema.
Kasabay nito, tututukan din ng grupo sa susunod na taon ang pagpapasara sa mga tinatawag na “mule accounts” na ibinebenta sa social media.
Babala ni Villanueva sa publiko, huwag ibenta ang kanilang mga bank o e-wallet account dahil sila mismo ang mananagot sa batas kapag ginamit ito ng mga cybercriminal.
Sa ngayon, umaabot na sa isandaan at walumpu’t lima ang corporate members ng FinTech Alliance PH, matapos tanggalin ang ilang online lending firms noong nakaraang taon dahil sa hindi makataong paniningil at pagkakasangkot sa ilegal na sugal.