Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang groundbreaking ceremony ng 86-million-liter-per-day bulk water supply project sa Barangay Talanghauan, Santa Barbara, Iloilo.
Ang proyekto ay inaasahang magpapalakas sa seguridad sa suplay ng tubig sa komunidad lalo’t tataas sa 136 milyong litro kada araw ang suplay ng tubig mula sa kasalukuyang 50 milyong litro kada araw kapag natapos ang proyekto.
Bukod sa Iloilo City ay kasamang makikinabang sa proyekto ang mga bayan ng Cabatuan, Leganes, Maasin, Oton, Pavia, San Miguel at Sta. Barbara.
Malaking tulong din aniya ito sa local businesses na masustine ang kanilang pangangailangan sa tubig at tugon na rin sa mga hamong inaasahang kakaharapin sa banta ng El Niño.
Ang ganitong proyekto, sabi ng Pangulo, ay produkto ng pagtutulungan ng iba’t ibang institusyon, LGU at private sector partners.
