Nakalilikom ang gobyerno ng $1.26 bilyon o katumbas ng P80.2 bilyon mula sa ikatlong retail dollar bond (RDB) offer.
Dahil dito, mas lalawak ang kakayahan ng Bureau of the Treasury (BTr) na pamahalaan ang mga pangangailangan sa pangungutang at magpapagaan sa pressure sa mga susunod na debt auction.
Ayon sa BTr, ang nalikom na halaga ay higit sa anim na beses na mas malaki kumpara sa unang target nito na $200 milyon, matapos dumagsa ang mga investor sa apat na araw na bentahan na nagtapos ngayong linggo.
Nakakalap ang ahensya ng karagdagang $806.9 milyon sa loob ng offer period, bukod pa sa $453.4 milyon na nakuha sa rate-setting auction noong Nobyembre 19.
Batay sa records ng ahensya, napantayan ng kabuuang halaga ang $1.26 bilyon na nalikom mula sa ikalawang RDB offer noong 2023 at nalampasan din ang $500-milyong target.
Nagsilbing joint lead issue managers para sa nasabing bentahan ang Development Bank of the Philippines at Land Bank of the Philippines habang kasama naman bilang joint issue managers ang BDO Capital & Investment Corp., BPI Capital Corp., China Bank Capital Corp., First Metro Investment Corp., PNB Capital and Investment Corp., Security Bank Capital Investment Corp., at Union Bank of the Philippines, Inc.