Namumuro na ang panibagong pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Lumalabas kasi ngayon sa apat na araw na trading sa Mean of Platts Singapore (MOPS) na papatak sa ₱4 ang tapyas sa kada litro ng diesel, ₱3 kada litro naman sa gasolina habang ₱3.70 na rollback naman sa kerosene.
Ngunit ayon kay Department of Energy – Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) Director Rino Abad, na posible pa itong gumalaw dahil hindi pa kasama sa costing ang premiums, freight cost, at insurance cost ng mga oil company.
Kaya naman ang pagtaya ng DOE-OIMB ay posibleng ₱1 hanggang ₱2 na rollback sa lahat ng produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ang nasabing paggalaw ay bahagyang naapektuhan ng panibago na namang insidente ng pambo-bomba sa Gitnang Silangan.
Patuloy naman ang pagbabantay ng DOE sa mga gasolinahan, na imbes na magbaba ng presyo ay nagtataas pa ng presyo ng kanilang mga produkto na ang dahilan ay pakikipag-kompetensiya sa presyuhan ng mga kalabang gasolinahan.
Babala ng DOE, na karampatang multa at parusa ang kahaharapin ng mga gasoline station at kumpanya ng langis na lalabag sa mga alituntunin ng pamahalaan pagdating sa oil pricing.