Photo courtesy of Rep. Miro Quimbo
Tiniyak ni House Ways and Means Committee Chair at Marikina Representative Miro Quimbo na hindi uusad sa Kamara ang panukalang patawan ng Excise Tax ang kape.
Ito ay kasunod ng mungkahi ni Distilled Spirits Association of the Philippines President Olivia Limpe-Aw na kape na lamang ang buwisan sa halip na mga inuming nakalalasing.
“We have rejected it. Dead on arrival ito at the HOR,” saad ni Quimbo.
Paliwanag ni Quimbo, hindi naman napatunayang nakasasama sa kalusugan ang kape upang patawan ito ng Excise Tax.
Giit pa ng mambabatas, napakahirap ding ipatupad ang pagbubuwis dito dahil sa iba’t ibang uri at paghahanda ng kape.
“Excise Taxes are imposed to discourage specific behaviours that are harmful to ones health tulad ng smoking, drinking alcohol and consuming sweetened beverages. Coffee from coffee shops have not been proven to be harmful. In fact, some argue that it’s actually healthy,” saad pa niya.
Dagdag ni Quimbo, sapat na ang dami ng buwis na pasan ng publiko kaya hindi na dapat madagdagan pa ang presyo ng kape.