Sinopla ng Department of National Defense (DND) ang panibagong pahayag ng China na kumukuwestiyon sa mga kasunduang pinapasok ng Pilipinas sa mga kaalyadong bansa nito.
Sa isang kalatas, sinabi ni Defense Spokesman ASec. Arsenio Andolong na walang karapatan o moral na batayan ang China kung paano at sa aling bansa makikipagtulungan ang Pilipinas upang ipagtanggol ang soberanya gayundin ang pambansang interes nito.
Giit ng Defense Department, hindi kailangang humingi ng pahintulot ng Pilipinas sa Beijing sa pakikipag-ugnayan nito sa ibang mga bansa, lalo na sa usapin ng ating depensa at seguridad.
Sukdulan na aniya ang mapanlinlang na pag-aakusa ng Tsina sa ibang bansa ng pagpapalala ng tensyon.
Samantala, patuloy naman ang Tsina sa panggigipit, pananakot, at paggamit ng dahas upang ipilit ang mga ilegal nitong pag-aangkin sa West Philippine Sea at iba pang karagatan.
Dagdag pa ng Kagawaran, kung tunay na hangad ng Tsina ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon, dapat nitong itigil ang pananakot at igalang ang karapatang pandagat ng ibang bansa alinsunod sa pandaigdigang batas, partikular na ang UNCLOS.