Photo courtesy of Philippine National Police (PNP)
Inatasan ni NCRPO Acting Regional Director Police Brigadier General Christopher Abrahano ang lahat ng hepe ng pulisya sa Metro Manila na huwag lamang makuntento sa paghuli ng mga taga-deliver o gumagawa ng panloloko, kundi habulin mismo ang mga utak at kumikita sa likod ng mga ito.
Ginawa ang hakbang kasunod ng sunod-sunod na insidente ng panlilinlang. Kabilang dito ang kaso sa Barangay Ugong, Pasig City nitong Nobyembre 2, kung saan natangayan ng mahigit ₱3 milyong halaga ng gamit ang isang pamilya matapos maloko ang kanilang kasambahay ng pekeng tawag tungkol sa medical emergency.
Noong Oktubre naman, isang senior citizen ang nawalan ng kalahating milyong piso matapos mapaniwala ng tumawag na nagpanggap na anak niyang naaksidente.
Samantala, dalawang kasambahay din ang naaresto sa New Manila nitong Nobyembre 25 kaugnay ng budol-budol na nakakuha ng hindi bababa sa ₱3.55 milyong halaga ng pera at alahas.
Dahil dito, pinaalalahanan ng NCRPO ang publiko—lalo na ang mga senior citizen at kasambahay—na huwag agad maniwala sa mga biglaang tawag na humihingi ng pera o mahahalagang gamit. Lagi munang tumawag at magberipika sa totoong numero ng inyong kaanak o amo bago kumilos.