Isinusulong ng Police Regional Office 6 ang pagtataguyod sa kaligtasan at kapakanan ng mga bata mula sa anumang uri ng pagsasamantala at pang-aabuso.
Ito’y sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga ordinansa ng mga lokal na pamahalaan sa Western Visayas sa ilalim ng Oplan Sagip Bata para protektahan ang mga bata at panatilihin ang ligtas at maayos na komunidad.
Batay sa datos mula Hulyo hanggang Nobyembre ng taong ito, nakapagtala ang PRO6 ng aabot sa 3,999 na operasyon ang ikinasa sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan.
Nagresulta ito sa 3,844 na mga menor de edad na nasagip dahil sa paglabag sa mga ordinansa kabilang na ang mga paglabag sa batas trapiko.
Nasa 2,360 violators naman ang binigyang babala habang 1,493 naman ang pinagmulta dahil sa kanilang paglabag.
Sinabi ni PRO6 Director, PBGen. Randulf Tuaño, kailangang magkaisa ang pulisya, mga magulang at komunidad para protektahan ang mga bata mula sa pang-aabuso gayundin ng pamanamantala.
Ngayong papalapit na ang Pasko, hinikayat nu Tuaño ang mga magulang na bantayan at gabayang maigi ang kanilang mga anak at sumunod sa mga umiiral na batas.