Batid ng Marcos Administration ang hamong kinahaharap ng OFWs at seafarers sa pag-proseso ng kanilang mga dokumento para sa trabaho. Ang iba, kailangan pang lumuwas ng Maynila, upang lakarin ang kanilang papeles.
Dahil dito, pinalakas ng gobyerno ang suportang ipinagkakaloob sa OFWs, seafarers at pamilya ng mga ito, sa pamamagitan ng Alagang OWWA Center at Seafarers Center.
Sa ilalim ng programa, aalalayan ng gobyerno ang bagong bayani ng bansa, mula sa pre-departure hanggang sa pagbibigay ng proteksyon sa mga ito sa labas ng bansa, at maging sa repatriation o livelihood support na kanilang kakailanganin sa pagbabalik nila sa Pilipinas.
Ngayong araw, ininspeksyon ng pangulo ang proyekto sa Iloilo City. Ito na ang ikatlong Seafarers’ Welfare Center sa bansa, kasunod ng binuksang pasilidad sa Parañaque at Davao.
Sa Alagang OWWA Center, pinagsama-sama na ang medical, legal, welfare, employment, training, livelihood, at reintegration services.
Inilapit na rin ang mga serbisyo ng SSS, Pag-IBIG, PhilHealth, at libreng legal assistance mula sa PAO, maging ang medical services sa pamamagitan ng OWWA YAKAP Clinic at BOTIKA, at iba pang training facilities.