Photo courtesy of Department of Science and Technology (DOST)
Gumagamit na ng makabagong teknolohiya ang lokal na pamahalaan ng San Fernando City, Pampanga, upang mapabuti ang lagay ng trapiko at mapabilis ang pagtugon sa mga emergency.
Ang smart traffic management system ay gumagamit ng Internet of Things (IoT) sensors, high-resolution cameras, at Artificial Intelligence (AI) upang masubaybayan at masuri ang daloy ng trapiko sa mga kalsada.

Sa pamamagitan ng Smart and Sustainable Communities Program ng Department of Science and Technology (DOST), nababantayan mula sa Command and Control Center ang iba’t ibang bahagi ng lungsod sa tulong ng ikinabit na 200 high-resolution CCTV cameras. Nagagamit ang mga ito nang real-time upang matukoy ang oras ng matinding pagsisikip ng trapiko at makapagtalaga ng mga traffic personnel.
Bumubuo rin ang lungsod ng iRespond mobile application na magagamit ng mga residente upang makapag-report ng mga insidente o aksidente para sa agarang pagresponde. Sa pamamagitan nito ay awtomatikong maipararating ang mga ulat sa mga kinauukulang tanggapan at emergency responders.
Layunin ng inisyatiba na mapahusay ang serbisyo publiko sa pamamagitan ng agham at teknolohiya.