Mas pinalawak ng mga mamamahayag ng Presidential Broadcast Service – Bureau of Broadcast Services (PBS-BBS) ang kanilang kaalaman sa pag-uulat tungkol sa mga isyung pangkapaligiran sa pamamagitan ng workshop na pinangunahan ng isang French journalist at climate reporting specialist na si Anne Tézenas du Montcel.

Tinalakay sa workshop ang kahalagahan ng “ecosystemic approach” sa environmental reporting, kung saan hindi lamang epekto sa kalikasan ang sinusuri kundi maging ang implikasyon nito sa lipunan, ekonomiya, at politika.
Ibinahagi rin ng French journalist ang kanyang investigative work tungkol sa mga data center at ang epekto ng mga ito sa konsumo ng enerhiya, suplay ng tubig at kapaligiran.

Binigyang-diin ni Tézenas du Montcel ang responsibilidad ng mga mamamahayag na gawing mas makabuluhan at madaling maunawaan ng publiko ang mga komplikadong usaping pangkapaligiran sa pamamagitan ng mga kuwentong nakasentro sa tao.

Dumalo rin sa naturang workshop ang ilang mga mamamahayag at kinatawan mula FBC ng Fiji, NBC ng Papua New Guinea, at Asia-Pacific Institute for Broadcasting Development (AIBD).