Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Rice Awareness Month, nagsagawa ng feeding program ang Department of Agriculture-Caraga Rice Program at Philippine Rice Research Institute (PhilRice)-Agusan sa Barangay Mahaba, Cabadbaran City sa Agusan del Norte, noong Nobyembre 26.
Pinakain ng high-zinc rice ang 150 katutubong Mamanwa at Manobong mag-aaral mula sa Masundong at Palidan Elementary Schools.
Ang high zinc rice ay isang masustansiyang uri ng bigas na may mas mataas na taglay na zinc kumpara sa karaniwang bigas.
Ayon sa DA-PhilRice, ang mga barayti ng high-zinc rice na NSIC Rc 460 at NSIC Rc 648 ay nagtataglay ng 19.6 hanggang 20.4 milligrams ng zinc kada kilo. Ang zinc ay isang mahalagang mineral na tumutulong sa wastong paglaki ng mga bata, pag-unlad ng kanilang pag-iisip, at pagpapalakas ng resistensya ng katawan.
Sa pamamagitan ng gawaing ito, higit pang pinalalawak ang adbokasiya sa pagpili ng mas masustansiyang bigas para sa kalusugan ng mga bata at pamilya.
Ang high-zinc rice ang ipinatikim sa mga bata sa kanilang pananghalian dahil nakatutulong itong palakasin ang resistensya, wastong paglaki, at matalas nilang pag-iisip.
Nagpahayag ng pasasalamat si Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) Rodney S. Dagohoy, dahil naabot ng kampanya ang kanilang komunidad upang makatulong maging sapat ang bigas sa Pilipinas, mapataas ang kita ng mga magsasaka, at mas mapabuti ang kanilang kalusugan, lalo na ang mga bata.
Ang mga kawani ng DA Caraga ay naglilibot sa iba’t-ibang parte ng rehiyong Caraga upang ipakilala ang mensahe ng Be RICEponsible o kahalagahan ng pagiging responsableng pagkonsumo ng kanin, at pagpapakilala sa masustansyang kanin na makapagpapabuti ng kalusugan gaya ng high-zinc rice, pigmented rice, low-glycemic index (GI) rice, at brown rice.

📷 DA Caraga