Photo courtesy of PCG
Nasagip ng mga kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) ang lahat ng 11 tripulante ng cargo vessel na ML Bahagia matapos masira ang hull nito at bahagyang lumubog sa karagatan malapit sa Dondonay Island, Santa Cruz, Cagayancillo, Palawan.
Ayon sa PCG, nangyari ang insidente nitong Nobyembre 26 matapos tumama ang barko sa isang underwater rock formation, na nagdulot ng pinsala sa starboard hull at pagpasok ng tubig sa vessel.
Agad na rumesponde ang Coast Guard Sub-Station Cagayancillo, katuwang ang Philippine National Police (PNP), matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen. Ligtas at nasa maayos na kondisyon ang lahat ng crew, kabilang ang kapitan, at walang naiulat na nasawi.
Patuloy naman ang pag-aalis ng kargamento upang mapadali ang recovery operation ng barko. Nakikipag-ugnayan din ang PCG sa vessel owner at iba pang stakeholders para sa towing at recovery equipment.
Minomonitor din ang posibilidad ng oil spill, habang isasagawa ang imbestigasyon at maritime safety inspection sa insidente.