Photo courtesy of DPWH
Tiniyak ng Department of Public Works and Highways o DPWH na may malawakang structural rehabilitation na ginagawa sa Valderrama Bridge sa Bugasong-Valderrama Road sa Antique, kasunod ng viral post online na kumukuwestiyon sa proyekto.
Ayon sa DPWH, ang P65-milyon rehabilitasyon ay hindi lamang simpleng pagkukumpuni, kundi kinabibilangan ng slope protection works, installation ng expansion joints, carbon fiber wrapping sa bridge columns, at anti-corrosion coating sa structural steel at metal decking sa anim na spans ng tulay.
Dagdag pa ng ahensya, nasa limang porsyento pa lamang ang physical accomplishment ng proyekto.
Ito ay sang-ayon sa utos ni Public Works Secretary Banoy Lopez na tiyaking ligtas at matibay ang mga pangunahing kalsada at tulay sa bansa.
Alinsunod din ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko at kondisyon ng mga imprastraktura, lalo na ngayong holiday season.