Photo courtesy of DOF
Mahigit P6 trilyon na ang nalikom ng Retail Treasury Bond o RTB Program ng Bureau of the Treasury sa loob ng 25 taon, na ginagamit para pondohan ang mga programa at proyekto ng pamahalaan, habang nagbibigay ng pagkakataon sa mga Pilipino na mamuhunan sa government securities.
Sa paggunita sa ika-25 anibersaryo ng programa, pinuri ni Finance Secretary Frederick Go ang Bureau of the Treasury sa pagpapalawak ng access ng publiko sa mga investment na inisyu ng gobyerno.
Kinilala rin ng kalihim ang kontribusyon ng mga primary dealer na tumulong sa pagpapalaganap ng RTB sa mga mamumuhunan.
Kabilang sa top ten awardees ang Metrobank, Land Bank, BPI, China Bank, DBP, Security Bank, Standard Chartered Bank, PNB, UnionBank at BDO.
Ayon kay Go, mahalagang ipagpatuloy at pagbutihin ang RTB Program upang mas matugunan ang pangangailangan ng mga mamumuhunan at makasabay sa pagbabago ng financial landscape, habang patuloy na nakatutulong sa pagpopondo ng pambansang kaunlaran.