Iginiit ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong na layunin ng pagsasampa niya ng kasong cyberlibel laban kay Atty. Levito Baligod at iba pa na panagutin ang mga nagpapakalat umano ng mga gawa-gawang kuwento online.
Ayon kay Adiong, hindi dapat basta-basta magbintang ng kasinungalingan laban sa kapwa, lalo na kung para lamang manira at magdulot ng kalituhan sa publiko.
Diin ng kongresista, sinusuportahan niya ang kalayaan sa pagpapahayag.
Ngunit may malinaw aniya itong pagkakaiba sa paninirang-puri na maaari nang lumabag sa batas.
Giit niya, hindi bahagi ng lehitimong pagpapahayag ang libel at cyberlibel dahil nakaaapekto rin ito sa dignidad ng isang tao.
Sinabi ni Adiong na sa tamang proseso ng batas dapat hanapin at pairalin ang katotohanan, hindi sa pamamagitan ng mga kuwentong gawa-gawa.