Photo courtesy of DOH
Binibigyang paalala ng Department of Health (DOH) ang publiko na tiyakin ang tama at ligtas na paggamit ng nakaimbak na tubig ngayong panahon ng El Niño, upang maiwasan ang mga sakit na maaaring dulot ng kontaminadong tubig.
Ayon sa DOH, mahalagang sundin ang wastong paraan ng pag-iimbak at paggamit ng tubig, kabilang ang pagpapakulo ng tubig na iinumin nang hindi bababa sa tatlong minuto at paggamit ng chlorine tablet alinsunod sa inirekomendang dosage.
Dapat ding hintaying matunaw ang chlorine tablet nang 30 minuto bago inumin ang tubig, at panatilihing nakatakip ang mga lalagyan.
Para naman sa non-potable o recycled water, maaari itong gamitin sa pagdidilig ng halaman, paglilinis ng bahay, bakuran at mga kagamitan, ngunit hindi para sa pag-inom.
Binigyang-diin ng DOH na mahalagang panatilihing malinis at may takip ang mga container ng tubig upang maiwasan ang pamumugaran ng lamok na nagdadala ng dengue, at iba pang sakit.
Sa panahon ng tagtuyot, mahalaga ang pagtitipid ng tubig, ngunit ayon sa DOH higit na mahalaga ang tiyaking ligtas ito para sa kalusugan ng bawat pamilya.