Photo courtesy of Senate of the Philippines
Binatikos ng prosekusyon ang kampo ni Vice President Sara Duterte dahil sa umano’y pagdadala ng laban sa impeachment sa kalsada imbes na magpakita ng matibay na ebidensya sa loob ng korte.
Ayon kay private prosecutor Atty. Lorna Patajo-Kapunan, halatang pinapakilos na ng depensa ang kanilang mga tagasuporta upang takutin o i-pressure ang mga Senator-judges, lalo na ang mga tatakbo muli sa eleksyon.
Sa isang panayam, sinabi ni Kapunan na habang papalapit na ang pagtatapos ng presentasyon ng depensa, tila inililipat na nila ang laban sa labas ng Senado para maimpluwensyahan ang opinyon ng publiko.
Dagdag pa niya, halatang-halata ang taktika ng depensa na gawing entablado ang kalsada.
Binatikos din ni Kapunan ang mga komento sa social media na puro personal na atake na lamang ang ibinabato at wala nang saysay, imbes na sagutin ang mga dokumentong pinansyal na inilatag sa impeachment court.
Matatandaang iginigiit ng kampo ni VP Sara na pulitika lang ang nasa likod ng mga paratang laban sa kanya, pero naninindigan ang prosekusyon na dapat base sa mga ebidensya at dokumento ang magiging hatol ng mga senador, at hindi dahil sa takot sa boto ng publiko.