Umabot sa 2,557 kwalipikadong pamilya mula sa 32 barangay sa bayan ng Bato, Leyte ang makatatanggap ng tulong na bigas sa ilalim ng programang Local Government Support Fund – Financial Assistance to Local Government Units (LGSF-FALGU).
Sinimulan noong Nobyembre 27 ang pamamahagi ng ayuda, kung saan bawat kwalipikadong pamilya ay nakatanggap ng sampung (10) kilo ng komersiyal na bigas.
Ayon kay Hazel Dinah Miel ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), layunin ng programa na magbigay ng karagdagang suporta sa mga pamilyang nangangailangan, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Inaasahang makatutulong ang naturang ayuda upang kahit papaano ay mabawasan ang gastusin ng bawat pqmilya sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Nakatakda namang ipagpatuloy ang pamamahagi sa iba’t ibang clustered barangay alinsunod sa itinakdang iskedyul upang matiyak ang maayos, organisado at sistematikong paghahatid ng tulong sa lahat ng kwalipikadong benepisyaryo.
Sa pamamagitan ng suporta ng Pambansang Pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., patuloy na isinusulong ng lokal na pamahalaan ng Bato ang mga programang naglalayong makatulong at magbigay ng karagdagang ginhawa sa mga mamamayan nito.