Photo courtesy of DOE
Inaasahang magpapalakas sa offshore wind energy development sa bansa at magbubukas ng trabaho sa mga lokal na komunidad ang pagtatayo ng Pambuhan Marshalling Port sa Camarines Norte.
Isinagawa ang groundbreaking ng naturang pasilidad nitong Biyernes, Nobyembre 27, na itinuturing na kauna-unahang purpose-built port sa bansa para sa offshore wind development.
Ayon sa Department of Energy (DOE), magsisilbi itong logistics at staging hub para sa pagtanggap, pag-iimbak, pag-assemble at pagdadala ng malalaking bahagi ng wind turbines.
May lawak na 40 hectares ang port, na pinondohan sa ilalim ng 2.27-billion-peso contract ng Philippine Ports Authority, at inaasahang magiging operational sa unang bahagi ng 2028.
Tinatayang mahigit 178 gigawatts ang offshore wind potential ng Pilipinas, kaya mahalaga ang naturang imprastraktura sa pag-akit ng investments at pagsusulong ng renewable energy.
Bukod sa pagpapalakas ng energy security, inaasahan ding makikinabang ang mga lokal na manggagawa, negosyo at service providers sa Camarines Norte sa mga oportunidad na lilikhain ng proyekto.