Pansamantalang isinara simula nitong 10:00 Biyernes ng gabi ang mga U-turn slot malapit sa EDSA Santolan Flyover at EDSA Kamuning Flyover northbound, bilang bahagi ng Phase 2 ng EDSA Rehabilitation Project ng Department of Public Works and Highways o DPWH.
Isasagawa sa mga naturang bahagi ng kalsada ang breaking, hauling, at concrete pouring na sumasailalim sa reblocking.
Ayon sa DPWH, mananatiling sarado ang mga U-turn slot hanggang matapos ang curing period ng rehabilitated road sections.
Pinapayuhan ang mga motorista na gamitin ang service road upang makadaan sa mga alternatibong U-turn slot, gayundin ang pagsunod sa mga traffic sign at on-site advisory.
Pinapayuhan din ang mga biyahero na maglaan ng dagdag na oras sa kanilang biyahe upang maiwasan ang abala at makatulong sa mas maayos na daloy ng trapiko habang nagpapatuloy ang rehabilitasyon sa EDSA.