Hinihikayat ng Department of Budget and Management o DBM ang publiko na gamitin ang COMPASS o Centralized Open Monitoring Platform for Appropriations and Spending Statistics upang masubaybayan kung saan napupunta at paano ginagamit ang pondo ng pamahalaan.
Sa ika-20 episode ng A.S.K. o Alamin Kay Sec. Kim, ipinakita ni Budget Secretary Kim Robert De Leon kung paano maa-access ng mga mamamayan ang impormasyon tungkol sa budget allocation, fund releases, procurement at mga proyekto ng gobyerno sa pamamagitan ng COMPASS.
Binigyang-diin ng kalihim na mahalagang maunawaan ang pagkakaiba ng appropriation, allotment, obligation at disbursement, dahil hindi nangangahulugang kapag naaprubahan o na-release ang pondo ay nagastos o naibayad na ito.
Maaari ring gamitin ang platform upang makita ang mga available na impormasyon hinggil sa fund releases ng mga ahensya, lokal na pamahalaan at iba pang government institutions.
Layunin ng COMPASS na gawing mas accessible ang impormasyon sa paggastos ng gobyerno at bigyang-kakayahan ang publiko na magtanong, magmonitor at manawagan ng pananagutan sa paggamit ng pera ng bayan.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang compass.gov.ph.