Magkakaroon na ng STEM laboratories ang lahat ng 32 pampublikong paaralang elementarya sa lungsod ng Taguig.
Ito ay sa ilalim ng bagong programa ng lokal na pamahalaan na naglalayong malinang ang kakayahan ng mga batang mag-aaral sa Science, Technology, Engineering, and Mathematics o STEM.
Pormal na inilunsad ang programa nitong Martes sa Kapt. Eddie T. Reyes Integrated School sa Barangay Pinagsama.
Katuwang ng lokal na pamahalaan sa programa ang Department of Education (DepEd) Division of Taguig and Pateros, CAL Philippines, at Skool21 Singapore.
Ayon kay Taguig Mayor Lani Cayetano, mahalagang maipakilala sa murang edad ang agham at teknolohiya upang higit na malinang ang kakayahan at pagiging mapanuri ng mga bata.
Bibigyang-diin din ng programa ang pagsasanay sa mga guro dahil hindi magiging matagumpay ang proyekto kung walang mga gurong may sapat na kaalaman at kakayahang magturo gamit ang mga makabagong kagamitan.
Sa katunayan, umaabot na sa 1,224 na guro ang nakatapos ng pagsasanay at nakakuha ng sertipikasyon bilang Skool21 STEM Educators.
Gagamitin sa programa ang Skool21 STEM Series, isang kurikulum na binuo sa Singapore at ginagamit na sa mga paaralan sa mahigit sampung bansa.
Kabilang sa mga ituturo sa mga bata ang basic engineering, mga simpleng makina, levers, gears, at pagbuo ng mga estruktura.
Sa mga susunod na yugto, nakatakdang ipakilala sa mga mag-aaral ang robotics, coding, artificial intelligence, at Python programming. Tiniyak naman ni Mayor Cayetano na walang babayaran ang mga pamilya para sa nasabing programa.