Aabot sa 4,238 pamilya sa Ilocos Region ang matagumpay na nakapagtapos sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), matapos maabot ang itinakdang pamantayan para sa pagtatapos sa programa mula Agosto hanggang Oktubre 2026.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development Field Office 1, nagmula ang mga pamilyang ito sa iba’t ibang bayan at lungsod sa La Union, Ilocos Sur, Ilocos Norte at Pangasinan.
Sa La Union, kabilang sa mga lugar na may nagtapos na benepisyaryo ang Bagulin, Burgos, Agoo, Luna, San Juan, Santo Tomas, Santol at Sudipen.
Kasama rin ang Santa, Alilem, Santa Lucia at Santa Maria sa Ilocos Sur; City of Batac sa Ilocos Norte; at Dagupan City, Balungao, Bugallon, Santa Barbara, Alcala, Binmaley, Pozorrubio at Santa Maria sa Pangasinan.
Higit sa bilang ng mga pamilyang nagtapos, sumasalamin ito sa pag-asang unti-unting nakakamit ng mga pamilyang nagsikap na mapabuti ang kanilang kalagayan sa buhay sa tulong ng programa.
Sa kanilang pagtatapos, nabibigyang-puwang naman ang iba pang mahihirap na pamilyang nangangailangan ng tulong upang maging bahagi ng 4Ps at magkaroon din ng pagkakataong makaahon sa kahirapan. | via Albert Caoile, RP Agoo
📷 DSWD Field Office 1