Nakikinabang na ang mga magsasakang kasapi ng mga asosasyon ng irrigators sa Alcala, Pangasinan sa limang solar-powered irrigation projects ng National Irrigation Administration (NIA).
Matatagpuan ang mga proyekto sa mga barangay ng San Juan, San Vicente, San Pedro Apartado, Vacante, at San Pedro Ili.
Bawat proyekto ay nagkakahalaga ng P15 milyon at may solar-powered pumps, artificial intelligence (AI) satellite-assisted monitoring, at fertigation system.
Sa kabuuan, mahigit 51 ektarya ng sakahan ang napaglilingkuran ng limang proyekto.
Ayon kay NIA-Pangasinan Irrigation Management Office Division Manager Engineer John Molano, layunin ng mga proyekto na mapadali ang daloy ng tubig patungo sa mga sakahan.
Binigyang-diin din ni Molano na hindi lamang responsibilidad ng isang ahensya ang pagpapaunlad ng irigasyon, kundi nangangailangan din ito ng pakikiisa ng mga magsasaka.
(Photo NIA R1)