Sumampa na sa ₱326 million ang kabuuang humanitarian aid ang naipaabot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga residenteng apektado ng nagpapatuloy na aktibidad ng bulkang Mayon.
Sa panayam ng programang Boses kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, sinabi niyang tuloy pa rin ang pamamahagi ng DSWD ng family food packs gayundin ang non-food items at hygiene kits sa mga evacuee.
Nakapagbigay na rin ng pinansiyal na tulong ang DSWD sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS, Emergency Cash Transfer program, at Cash for Work program.
Umarangkada na rin ang mobile water treatment truck ng DSWD upang matiyak ang malinis na inuming tubig sa mga evacuee at apektadong residente at ang pagkakasa ng psychosocial interventions.
Aktibo na rin ang mga water filtration depot at kits, na nakalagay naman sa iba’t ibang lugar na apektado ng pag-aalburoto ng Mayon upang makakuha din sila ng malinis na inuming tubig.