Senate
Nagpatuloy nitong Lunes ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kung saan iniharap ng depensa ang unang testigo upang pabulaanan ang alegasyon ng umano’y maling deklarasyon ng bise presidente sa kanyang mga ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Isinalang ng depensa bilang unang testigo si Davao City Assessor Engineer Jaime Adalin, na nagdala ng mga mapa at tax declaration kaugnay ng mga ari-ariang iniuugnay kay Duterte at sa asawa nitong si Atty. Manases Carpio.
Kabilang sa mga tinalakay ang ari-arian sa Matina Crossing at ang property sa Barangay 74-A na nakasaad sa 2024 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng bise presidente. Iniugnay ito ni Adalin sa lupang saklaw ng titulong nagtatapos sa numerong 0775.
Gayunman, kinuwestiyon ng prosekusyon kung paano nasabi ng testigo na iisa lamang ang mga ari-ariang ito gayong barangay lamang ang nakasaad sa SALN. Kalaunan, nilinaw ni Adalin na posibleng magkaparehong property ang mga ito ngunit hindi pa niya ito matiyak.
Kinuwestiyon din ang kredibilidad ni Adalin matapos sabihing nakalimutan niya ang ilang detalye ng kanyang naging biyahe sa China.
Sa pagtatanong ni Senator-Judge Raffy Tulfo, inamin ng testigo na nakapunta siya sa China matapos unang sabihin na hindi niya maalala ang naturang biyahe.
Ayon kay Adalin, sariling gastos niya ang mga biyahe at hindi ito opisyal na lakad.
Pinaalalahanan naman ni Senator-Judge Erwin Tulfo si Adalin na siya ay nasa ilalim ng panunumpa at maaari siyang i-cite in contempt kung magsisinungaling o hindi seseryosohin ang paglilitis. | ulat ni Nimfa Asuncion