Nagkaisa ang 20 senador sa pagsusulong ng Senate Resolution 765 na humihikaulyat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magdeklara ng state of calamity o state of imminent disaster sa mga lugar na apektado o nanganganib sa matinding epekto ng El Niño.
Layon ng resolusyon na mapabilis ang pagpapakilos ng mga pondong nakalaan sa ilalim ng 2026 national budget para sa paghahanda at pagtugon sa epekto ng tagtuyot, partikular para sa mga magsasaka at mangingisda.
Batay sa resolusyon, maaaring magdeklara ang Pangulo ng state of calamity sa mga lugar na nakararanas na ng pinsalang dulot ng tagtuyot o state of imminent disaster naman sa mga lugar na may mataas na posibilidad ng mapaminsalang epekto.
Hinihimok din ng mga senador ang Department of Budget and Management (DBM) at iba pang ahensya na agad gamitin ang mga pondong maaari pang gamitin sa 2026, kabilang ang National Disaster Risk Reduction and Management Fund at Quick Response Funds ng mga ahensya.
Batay sa budget briefing noong October 22, nasa 112 billion pesos pa ang pinagsama-samang pondo maaaring mapagkunan hanggang matapos ang taon, kabilang ang 39 billion pesos para sa disaster fund.
Hiniling din ng mga senador ang malinaw na pagtukoy sa aktwal na halagang magagamit para sa El Niño response.
Kabilang sa mga prayoridad na tulong ang pamamahagi ng farm inputs, suporta sa irigasyon at suplay ng tubig, ayuda sa livestock, crop insurance at food assistance para sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.
Hiniling din ng mga senador ang mahigpit na pagbabantay sa presyo ng mga pangunahing bilihin at pagsugpo sa overpricing, profiteering at hoarding. Pinatitiyak rin ang regular na pag-uulat sa Senado tungkol sa paggamit ng pondo at pamamahagi ng tulong.