Inaaksyunan na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang sitwasyon ng mga Pilipinong nabiktima ng mga illegal scam hub sa ibang bansa matapos maiulat na nasa 900 hanggang 1,500 na mga kawani ang nananatiling naipit sa Myanmar.
Ayon kay Secretary Hans Leo Cacdac, patuloy ang koordinasyon ng DMW sa mga awtoridad upang matulungan at ma-rescue ang humigit-kumulang 90 naging biktima ng human trafficking scheme.
Paalala ni Cacdac sa mga kababayang nagbabalak mangibang-bansa na mag-ingat sa mga kaduda-dudang job offer online at tiyaking dumadaan sa legal na proseso ng DMW.
Dagdag pa ng kalihim, hindi madali ang proseso ng pakikipag-ugnayan sa ibang bansa kung tungkol sa pagkakasangkot sa krimen ang dahilan dulot ng pagkakaiba-iba ng ipinatutupad na polisiya.
Tiniyak naman ng DMW, na nakahanda ang repatriation assistance at iba pang suporta para sa mga maililigtas na overseas Filipino worker (OFW) kapag sila ay nakabalik na sa bansa.