Tiniyak ng Manila Water sa mga residente ng Maynila na tuloy-tuloy ang suplay ng tubig ngayong panahon ng El Niño at nakahanda ang kumpanya upang mapanatili ang serbisyo.
Ayon kay Karl Zapanta, Government Affairs Director-Enterprise ng Manila Water, sa pakikipagpulong kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, wala umanong dapat ipag-alala ang mga Manileño pagdating sa suplay ng tubig.
Paliwanag ni Zapanta, kung magkakaroon man ng pansamantalang water interruption, karaniwan itong dulot ng pagkukumpuni ng mga sirang tubo o regular maintenance.
Nagpasalamat din ang kumpanya sa mabilis na koordinasyon sa Barangay Bureau ng lokal na pamahalaan upang agad na maiparating sa mga residente ang mahahalagang abiso at matugunan ang kanilang mga reklamo.
Tinalakay rin ang mga hakbang para mapalakas ang water security sa Maynila, kabilang ang pagpapalawak ng pinagkukunan ng tubig, pagpapabuti ng access sa serbisyo, pagpapanatili ng tuloy-tuloy na suplay, at pangangalaga sa kapaligiran.