Nakaalalay ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Philippine National Police (PNP) sa pagbibigay seguridad para sa nalalapit na ASEAN Summit and related Summits sa susunod na linggo.
Sa pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo ngayong araw, sinabi ni AFP Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla na partikular nilang tututukan ang seguridad ng mga darating na ASEAN at ASEAN plus leaders sa bansa.
Ang Presidential Security Command sa ilalim ng AFP aniya ang naatasang magpatupad ng security protocols para sa ASEAN leaders na lalahok sa pagtitipon.
Una rito, sinabi ng PNP na nakalatag na ang seguridad para sa malaking pagpupulong ng mga ASEAN leader mula November 16 hanggang 18, dito sa Metro Manila
Sinabi ni Padilla, na asahan din ang mga paghihigpit sa seguridad partikular na sa mga lugar kung saan pansamantalang mananatili ang ASEAN leaders.