Pormal nang binuksan sa Pasay City ang isang bagong water treatment plant facility ng Maynilad Water Services, Inc. upang magbigay ng mas malinis at ligtas na suplay ng tubig.
Sa ilalim ng bagong pasilidad, inaasahang mabibigyan ng maaasahang serbisyo ang aabot sa 84,700 na mga konsumer sa lugar.
Ayon kay Maynilad Vice President and Head of Water Supply Operations Engr. Ronaldo Padua nakakapag-produce na ng apat na milyong litro ng tubig ang nasabing water treatment plant na target tripehin ang production volume nito patungong 12 million liters per day pagsapit ng Disyembre ngayong taon.
Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng ahensya at pamahalaan na mapabuti ang imprastraktura ng tubig at matugunan ang lumalaking pangangailangan ng publiko sa kalinisan at kaligtasan ng inuming tubig.
Malaki ang naitutulong ng mga ganitong modernong pasilidad at water treatment infrastructure, upang matiyak ang sapat at ligtas na suplay ng tubig sa mga kabahayan sa gitna ng mga inaasahang sakuna at kalamidad kasama na rito ang inaasahang epekto ng “very strong” El Niño.