Inaasahang makatutulong ang mga bagong laptop upang maging mas “engaging” ang mga talakayan sa klase at mas episyente ang mga guro sa kanilang mga gawain sa Dagupan City National High School (DCNHS).
Sa panayam sa isinagawang turnover ceremony nitong November 9, sinabi ni DCNHS Principal Dr. Willy Guieb na katuparan ng kahilingan ng mga guro ang pagkakaloob ng mga laptop, na makatutulong sa paghahanda ng mga aralin at paggawa ng mga dokumento.
Sa kabuuang 209 MacBook Neo units na ipinamahagi sa 10 pampublikong paaralan sa Dagupan City, 72 ang inilaan sa DCNHS.
Ayon kay Guieb, sinunod ng paaralan ang guidelines ng Department of Education (DepEd) Central Office sa pagpili ng mga benepisyaryo, na pangunahing kinabibilangan ng mga gurong hindi pa nabibigyan ng laptop.
Nagpasalamat siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kay DedEd Secretary Sonny Angara sa pagkakaloob ng mga kagamitan at nangakong susuklian ito ng mga guro sa pamamagitan ng de-kalidad na pagtuturo upang mapaunlad ang mga mag-aaral at makatulong sa pagbuo ng mas maunlad na bansa. | ulat ni Verna Beltran-Adaban | Radyo Pilipinas Dagupan

