Inanunsyo ni Valenzuela Mayor Wes Gatchalian na isang valid identification card na lamang ang kakailanganin sa mga transaksyon sa Pamahalaang Lungsod.
Ayon sa alkalde, layon ng hakbang na mabawasan ang mga dokumentong kailangang dalhin ng publiko at mapabilis ang pagproseso ng kanilang mga transaksyon sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan.
Paliwanag nito, maaari nang gamitin ang National ID bilang pagkakakilanlan sa mga transaksyon sa city government, basta’t ito ay beripikado sa pamamagitan ng eGovPH application.
Una nang iginiit ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na sapat na ang isang valid ID, partikular ang National ID, sa pakikipagtransaksyon sa mga ahensya ng pamahalaan.
Hinimok din ng ARTA ang publiko na ireport ang mga ahensya ng pamahalaan na patuloy na humihingi ng dalawang valid ID para maaksyunan ang naturang mga reklamo.