Tanging si Vice President Sara Duterte lang ang makapagpapaliwanag sa apat na milyong pisong diperensya sa halaga ng isang ari-ariang nakatala sa kaniyang mga dokumento, ayon sa House Prosecution panel.
Ayon kay House Private Prosecutor Benjamin Tolosa Jr., kailangang personal na linawin ng Bise Presidente kung nagkamali lamang siya sa pagdedeklara ng halaga ng naturang property sa kaniyang SALN.
Nakasaad kasi sa mga opisyal na dokumento na anim na milyong piso ang selling price ng lote sa Juna Subdivision, Davao City, na nakapangalan sa kaniyang asawang si Atty. Manases Carpio.
Gayunman, ₱10 milyong piso naman ang acquisition cost na idineklara ni Duterte sa kaniyang 2024 SALN.
Kinuwestiyon din ng Prosekusyon kung bakit residential lot lamang ang nakasaad sa SALN gayong may improvements na ang property, habang sa 2025 SALN ay nakalista na ang isang commercial building.
Unang iniharap ng depensa ang Davao City Assessor upang patunayang naideklara ang ari-arian, ngunit iginiit ng prosekusyon na hindi nito nasagot ang mga pagkakaiba sa mga dokumento.