Taos-pusong nagpaabot ng pasasalamat si Sta. Barbara Pangasinan Mayor Carlito Zaplan sa pamahalaang nasyonal, sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasunod ng pagkakaloob ng halagang ₱10 milyon sa Municipality of Sta. Barbara, Pangasinan sa ilalim ng Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance Program (DRRAP).
Personal na dumalo si Mayor Zaplan sa Ceremonial Turnover of Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance Program (DRRAP) Funds to Local Government Units na ginanap noong Nobyembre 5, 2026, sa Ceremonial Hall ng Malacañan Palace, Maynila.
Ipinahayag ni Mayor Zaplan ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa Pangulo at sa buong pambansang pamahalaan sa patuloy na pagbibigay ng suporta sa mga lokal na pamahalaan, partikular sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga komunidad na naapektuhan ng mga kalamidad.
Ayon sa layunin ng programa, ang pondong ipinagkaloob ay magsisilbing tulong sa rehabilitasyon at rekonstruksyon ng mga nasirang imprastraktura, pagpapanumbalik ng mahahalagang serbisyong pampubliko, at pagpapabilis ng pagbangon ng mga komunidad mula sa epekto ng mga nagdaang kalamidad.
Malaking tulong aniya ang pondong ito sa pagsisikap ng Lokal na Pamahalaan ng Sta. Barbara na maisakatuparan ang mga kinakailangang rehabilitasyon at higit pang mapatatag ang kahandaan ng bayan sa pagharap sa mga sakuna.
Binigyang-diin din ng LGU Sta. Barbara ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan, kapakanan, at mabilis na pagbangon ng bawat mamamayan.
Ang suporta umanong ito ay mahalagang ambag sa patuloy na pagsisikap na makabangon, makapagtayo muli, at makapagpatatag ng isang mas ligtas at disaster-resilient na komunidad.
📷 LGU Sta. Barbara