Nasawi ang isang pulis matapos ang aksidenteng pagpapaputok ng baril sa loob ng Matnog Municipal Police Station sa Barangay Camcaman, Matnog, Sorsogon.
Batay sa opisyal na pahayag ng Sorsogon Police Provincial Office, nangyari ang insidente dakong alas-12:30 ng tanghali nitong November 4, 2026.
Batay aniya sa paunang imbestigasyon, nagtungo ang nasabing pulis sa itinalagang lugar para sa pagkakasa at pagbababa ng bala ng baril sa loob ng himpilan, nang makarinig ng putok.
Agad siyang natagpuang nakadapa at duguan ang ulo. Narekober naman sa lugar ang isang basyo ng bala at 9-millimeter Glock pistol.
Agad siyang isinugod sa Matnog Medicare Hospital bago inilipat sa Sorsogon Provincial Hospital para sa karagdagang lunas.
Gayunman, idineklarang nasawi ang pulis dakong alas-3:30 ng hapon nitong November 6 habang naka-confine sa Intensive Care Unit.
Kaugnay nito, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang eksaktong pangyayari, kabilang ang pagsusuri sa forensic at digital evidence.
Tiniyak din ng Sorsogon Police Provincial Office ang masusing imbestigasyon sa insidente.